Nagliliwanag ang gabi at nagkikislap
ang mga mumunting diamanteng tila mga bulalakaw na maghahatid ng ulan ng mga
pagbagsak sa sanglupaan. Sinabayan pa ng malamig na simoy at nakangangatal na
ihip ng haring hangin. Ang buong kalawakan ay nababalutan ng dilim. At ang tao
sa buwan ay tila nagmamasid sa ibaba, para bang may inaantay itong bagay na
babalani at tatapos sa katahimikang dulot ng isang hindi tiyak na bagay. Ang
lahat ay nababalutan ng katahimikan. Habang abala sa paghihintay, nagpausok ng
himig ng awitin ang tao sa buwan na namayani sa sanglupaan,
naghihintay…naghihintay.
Hating-gabi noon ay hindi parin
makatulog si Davis. Nakadilat ang mga mata sa kabila ng nakapatay at
namamahingang lampara. Patuloy na isinasaisip ang kwentong noon ay binaggit ng
kanyang lola sa kanya. Kwento ng mga kakaiba at mahiwagang bagay na noon ay
pumasukdol sa bayan nilang Satira. Bagamat binata na siya ay hindi niya parin
ni minsang inalis sa kanyang isipan ang posibilidad na ang kwento ay naghahatid
ng katotohanan, subalit nakatago, naghihintay lamang ng tamang panahon para
muling masaksihan. Alam niyang ang mga bagay na yaon ay hibang at tanging baliw
lamang ang maniniwala. Itinago niya ito sa kanyang puso at nanahimik ngunit patuloy
na humahanap ng daan upang mabuksan ang katotohanan sa hiwaga ng kaharian ng
Oks. Binuksan niya ang ilaw at inabot ang kamay sa itaas ng cabinet kung saan
nakalagay ang aklat na nilalamanan ng mga kwentong pambata ng kanyang lola nung
mga araw ng pagkabata nito . Nagsimula siyang magbasa.
“
Noong panahon ng madilim na yugto, ang lahat ng tao ay takot. Lahat ay may
miserableng buhay, walang mapayapang pamumuhay. Wala ni isa sa mga taong
naninirahan sa bayan ng Satira ang minsang ngumiti. Sa bawat pagsapit ng gabi,
may kung anong tinig ang bumubulong sa bawat tinga ng mga Satiran,
nananakot,naninindak, at tumatawa ng parang demonyo. Sa mga may marupok at
mahinang puso, himala na lamang ang makita pa silang nasa matinong
pagkakakilanlan sa pagsapit ng liwanag, swerte na roon sa mga may matibay at
purong paninindigan.
Sa lahat ng mga Satiran na nangangatal sa
takot at nagkukunwaring matayog ang sarili, si Isopryl, ang dakilang batang
babae ay nagkusang loob na hatdan ng kasiyahan ang miserableng bayan na kung
saan siya ay tumatahan. Sinimulan niya ang hakbang sa pagtugtog ng isang awitin
gamit ang isang guitara. Kalaunan ay sumakdal sa isip ng mga mamamayang Satiran
na sa halip na magkulong sa kani-kanilang bahay sa pagsapit ng gabi, ba’t di
nlang sila magsiga sa labas ng kanilang bahay at magtipon upang magsaya. Hindi
nagtagal ay naging normal na sa mga Satiran ang ganuong paraan ng paglibang sa
knilang sarili upang kaligtaan ang minsang delobyong sumaksak sa kanilang
isipan.
Isang
gabi, habang nasa mahimbing na pagtulog si Isopryl, ay may diwata ng hangin ang
tumawag sa kanya. Sa sobrang nais nitong makita at makausap ang diwata ay
lumabas siya sa kanilang asotea. Sa pagkasulyap niya sa anyo ng diwata ay
natigilan siya. Ito ay usok na anyong tao, at nababalutan ang katawan nito ng
mga dahong nag-anyong tao na rin, malamig ang himig ng boses nito, nakakagalak
at napakayuming pakinggan at pakiramdaman. Ang mukha nito’y parang kapiraso ng
taal, nagniningning sa tuwing naliliwanagan ng sikat ng tao sa buwan. “Isopryl,
kaibigan, sumama ka sa akin, lugod na ikagagalak ng mahal na Helenrith ang
iyong presensya. Ikaw ay kanyang binabati sa makabayani mong hakbang sa paghugas
ng isipan ng iyong mga tao. Ang kapangyarihan ng dilim ay isang bagay na hindi
kaya ng sinumang Helenrithian na higpitan, maliban na lamang kung ang amang
araw ang mananaig. Halika! Sundan mo ako, kaibigan.” “Saan ba tayo pupunta?
Magagalit ang amang pagnalaman nitong lumalabas ako ng bahay sa gabi. Tiyak na
muli ako noong ililipat sa silid malapit sa silid nito. At isa pa, ayokong
mag-alala ang lahat sa aking pagkawala.” “wag kang mag-alala kaibigan, saglit
lang tayong mawawala.” At dagliang naglaho ang diwata. Kalaunan ay may kung
anong humigit kay Isopryl at inilipad ito paibaba ng kanilang asotea. Imbis na
maglakad sa lupa ang batang babae ay naglakad ito sa hangin, mga isang
talampakan din ang layo sa ibabaw ng lupa at kung anumang bagay ang sa kanyang
paglakbay ay matatapakan dapat nito.
Naglakbay
ang babae patungo sa ipinagbabawal na kagubatan ng siya lamang mag-isa. Alam ni
Isopryl na bawal ang lugar na kanyang tinatahak ngunit sa di malamang
kadahilanan ay para bang kusang lumalakad ang kanyang paa tungo sa isang lugar
na siya mismo ay hindi niya alam. Natatakot siya sapagkat may mga ungol ng lobo
kahit saan. May nagliliwanag na mata ang para bang nagmamasid sa kanya. Ang mga
paniki ay sumusunod sa kanya. Ang mga kahoy na patay na ay nagtilang buhay na
hinahampas hampas ang bawat kamay ng bawat isa. Sa dulo ng gubat ay may isang talon.
Nasiyahan si Isopryl sa kanyang nakita ngunit sumakdal sa kanyang isipan…
paanong nagkaroon ng talon sa ipinagbabawal na gubat. Halos lahat ng mga punong
kahoy ditto ay patay na at nagtila itong tirahan ng mga aswang. Sa pagtataka
niya ay biglang nagliwanang ang talon, tila talon ng mga diamante na sa
pagbagsak sa ilalim ay tila bumubuo ng isang salamin. Biglang nahati sa gitna ang
talon at may lumabas na puting kabayo na may sungay sa bandang apog nito.
Kakaiba ang sungay nito, ito’y ginto ang paa nito ay diamamte. Tinadyakan ng
kabayo ang parang isang bagay at biglang nagkaroon ng liwanag sa nakasusuklam
na dilim.
May bumubulong mula sa loob
ng mahiwagang talon, nagwaring na siya’y papasukin at nais na pasalamatan.
Hindi nagdalawang-isip ang dalaginding at siya’y tumuloy sa mahiwagang mundo ng
Helen.
Nagulat siya sa kanyang mga
nakita, mga kakaibang nilalang ang nagsipaglipana sa mundong kanyang pinasukan.
Kakaiba ngunit magagandang nilalang. Nagsipaliparan, nagsipaglakaran,
nagsipagtalunan, nagsipagkantahan ng mga musikang may giliw at himbing. Sa
kanyang pagpapatuloy sa wakas ay pumaroon na siya sa bukana ng palasyong ng
mahal na Helenrith, ang reyna, at diyosa ng mahiwagang mundo.isang marangal na
tugtog ang nagbigay daan sa kanya habang tinatahak niya ang prestihiyosong
altar ng kamahal-mahalang reyna. Lahat ng mga Helenrithian ay nagsipagluhod
upang magbigay puri at magbigay galang sa kanya. Nagsipaghagis ng mahiwagang
pitas ng bulaklak sa kanya. At ang mahal na reyna ay tumayo mula sa kanyang kinaroroonan.
Nabigla siya sa kanyang
nakita, ang mahal na reyna ay singganda ng mga bituin sa kalangitan, kumukislap
ang kanyang pagkatao. Ang kanyang buhok ay nagtilang kulay ng araw, nagsisiga
at nagtilang maybuhay. Ang kulay ng kanyang balat ay singputi ng mga
nagtitigasang yelo, ang kanyang labi ay sing pula ng dugo ng kabanalan. Ang
kanyang mata ay waring liwanag na bahagi ng malawak na kalawakan. Ang kanyang
ilong ay sing tangos ng mga bundok sa kanyang daigdig sapagkat siya, ang buhay
at pag-asa ng kanyang mundo, siya ang kapitagang Helenrith, ang mahal na
reynang Helen..
“Ang munti kong pag-asa at
tagataguyod ng buhay, Isopry, ako’y nagpapasalamat sa iyong dakilang puso.
Binigyan mo ng pag-asa ang iyong mga katoto. Sa oras ng kanilang pagdadalamhati
at pagkatakot, binigyan mo ng liwanang ang kanilang madilim na paninindigan.
Binuksan mo ang baul ng kanilang kasiyahan at pinalaganp ito sa buong bayan ng
Satira. Ikaw ang dakilang Heleriz, ang koneksyon ng aming mundo at ng iyong
mundo. Ikaw ay ako, at ako ay ikaw. “ ang waring ng reyna. “ Wala po akong
ginawa mahal na reyna, binuhay ko lamang po ang apoy mula sa mga puso ng aking
mga kababayan. Nais kong ibsan ang kanilang paghihirap at pagkatakot. Mithiin
kong maging payak at matayog ang aking bayan. “ ang sagot ni Isopryl.
Ngumiti ang mahal na reyna at
iwinagayway ang kanyang kamay. Nagliliwanag ang buong daigdig at kaharian ng
Helenrith. May isang bagay ang lumulipad papalapit sa mahal na reyna. Ito’y
isang suklay, diyamanteng suklay. Ang ngipin ng naturang sukay ay pirasong
pilak mula sa puhok ng mga nimfas.
“Ito ang mahiwagang suklay ng
Oks, anuman ang iyong naisin ay bibigyang katuparan nito. Kung naisin mong
muling bumalik at bumisita sa aming daigdig ay gagantipalaan at ipagkakatoo
nito. Ngunit aking sasabihin, ang mahiwagang suklay ay marapat lamang na
gamitin sa katarungan at kadakilaan. Sapagkat kung ang mahiwang suklay ay
pagkakahilingan ng kasamaan, an gaming daigdig ay matutunaw sa kadiliman bilang
sukdulang parusa ng dakilang tao sa buwan. Ang dakilang ama naming mga
Helenrithian. Gamitin mo ito ng alinmang marapat.”
Natigilan si Isopryl at
yumango ng nakangiti.
“ Ngayon ay handa ka nang
bumalik sa iyong mundo. Maraming salamat mahal kong Isopryl. Ang iyong
kadakilaan nawa ay lumaganap sa tanang sanglibutan, ngayon at magpakailanman.
Paalam! At makatulog ka nawa ng mahimbing.”
Nagtilang may pumipilit na
pumikit ng kanyang mga mata, at ang lahat ng kanyang nakita at nagsimula nangb
maglaho. Ang mga diwata, ang mga nimfas, ang mga taong kabayo, at iba pang
mahiwagang nilalang sa kanyang paligid, huling naglaho ang mahal na reyna,
ito’y ngumingiti at nagpapaalam.
Kinabukasan ay nagising na
lamang sa pagkasindak at pagtataka si Isopryl. Sapagkat alam niyang lumabas
siya at nagtungo sa isang mahiwagang daigdig nung gabi. Sa kanyang pagdungaw sa
asotea ay nakita niya ang isang bagay na magpapatunay sa kanyang mahiwagang
paglalakbay, ang banal na suklay na nakapatong sa hawakan ng Asotea, kumikislap
at nagliliwanang.
Mula nung araw na iyon, ay
namuhay ng mapayapa at Masaya si Isopryl, kailanman ay hindi ginamit at
pinagsamantalahan ang kapangyarihan ng mahiwagang suklay, ito’y kanyang itinago
upang sa sandaling naisin niyang bumalik sa kanyang mahiwagang panaginip,
alinmang oras ay maaari.
Doon
natapos ang kwento, ngumiti si Davis sapagkat ang kwentong kanyang nabasa ay
katulad ng kwentong parating binigkas ng kanyang lola sa kanya. Sinara niya na
ang aklat ngunit sa kanyang pagbalik nito sa iataas ng cabinet at may isang
bagay ang sa kanyang pagkagulat ay nagpatigas ng buo niyang katawan. Ito’y
isang suklay. Hindi lamang isang simpleng suklay. Ito’y diyamante at ang mga
ngipin nito’y pirasong pilak, ito ay ang mahiwagang suklay. Walang ibang
ekspresyon ang binigay ni Davis kundi ang halong pagkagulat, kasiyahan at
pagtataka.