Translate

Martes, Pebrero 12, 2013

Ang Nakatagong Yaman Sa Maliit Na Pagkatao

           

            Ang paligid ay nagsasalisi sa tunog na humahagisgis sa bandang gilid ng daan. May kung anong hangin ang nagpupumiglas na makalabas sa makapal at malapad na kaharian ng mga punong-kahoy. Tila kumikislap na mga bituin sa umaga ang nagniningning na hatid ng mga butas mula sa mga nagyayakapang mga sanga. At doo'y naglalakad ng parang tanga si Igor.

             Sa bandang gitna, sa harapan ng isang naghaharing puno, may nasulyapan siyang lata ng softdrinks. Sa katangahan nga naman, ay tinadyak tadyakan niya ito ng paabante. Ginawa niya ito ng paulit ulit hanggang sa marating niya ang  bukana ng kalye kung saan siya ay nag-aaral. Dinampot niya ang lata at ipinasok sa kanyang bag. Nagmabilis na umakyat sa hagdan si Igor sapagkat ang kanyang unang klase ay nasa ikalawang palapag pa ng gusali.

              Si Igor ay labing-tatlong taong gulang. Katamtaman ang katawan at may mapanghikayat na mukha. Tila kagigisnan ng isang nakakagimbal na rebelasyon ang kanyang pagkakakilanlan sa kabila ng katangahan nitong katauhan. Siya ay ulila na sa magulang at nanunuluyan na lamang kasama ang kanyang lolo at lola. Sa bandang kaliwa ng mukha ng gubat, nakapundar ang bahay ba kanilang tinatahan. Medyo kamuntikan nang sumadsad sa dulong bahagi ng bangin, sa ibaba nito ay may isang mayaman at masaganang sapa. Paminsan minsan, sa bandang tanaghali, nanghuhuli ng maliliit na isdang hito si Igor gamit ang kanyang tsileko. Sa kulay puti nito, kalaunan ay maninilaw na ito at minsan pa nga'y magkukulay putik dahilan ng  isinasadsad at isinisiksik niya ito sa pagitan ng mga nanlulumot at maputik na bato. Ginagawa niya na lamang ito paminsan minsan dahilan ng nauumay na siya sa parating pagkasilay sa patuloy na umaagos na sapa. Ang kanyang mga nahuhuli ay pinapakawalan niya naman sa isang batis malapit sa puno ng niyog. Maya maya'y nakauwi na galing sa bayan ang kanyang lola mula pamamalengke. Sa puntong masilayan ang apong walang suot na damit at nakaligo sa putik ay dali daling bubuka ang bumubulang bibig sa tindi ng poot na nararamdaman. Tila ikamamatay ng matanda ang makita na ang kanyang apo na nagbibinata na na gumagawa ng mga bagay bagay na tanaging isip-bata lamang ang gumagawa. Dali-daling hahablutin ang apo at paliliguan ng isang timbang tubig. Bibihisan ng parang bata at hahainan ng makakain.

              Samantala, sa pagbungad ni Igor sa pwertahan ng kanyang silid, ay naroon na pala ang kanyang guro. Tinarayan siya nito at tinanong ng parehong tanong sa parehong pagkakataon sa parehong pagkakahuli ni Igor sa klase nito. Sagot niya naman ang parehong sagot sa parehong tanong sa parehong pagkakataon sa parehong pagkakahuli niya sa klase. Dito ay nainsulto ng bahagya at napoot ang kanyang guro. Pinarusahan si Igor sa pamamagitan ng pagpapatindig nito hanggang sa matapos ang oras ng klase. Sa kaliitan nga naman ng pagkatao, ay tila nagmamalaki pa ang mapanghamak na estudyante. Nagbuhat ito ng sukdulang pagkayamot at pagsabog ng bulkan ng pasensya ng kanyang guro. "Heto Igor, basahin mong lahat ito at ipaliwanag mo ng maayos at maglahad ka ng kahit na anong halimbawa!", ang waring ng nasususot na guro. " Eh maam, wala po bang mas maunti nito?. Nakakatamad po kasing basahin sa haba eh!", ang ika ng ngumingising Igor. "Lintek na batang ito. Niloloko mo ba ako? O talagang tamad ka lamang talaga? Basahin mo, madali, mauubos lamang ang oras ng klase sa mga walang kwenta mong palusot!", ang kumukulong sambit ng matandang guro.
  
                Nagsimula na sa pagbabasa si Igor. Bawat titik sa bawat salita ay iniintindi niya. At nang matapos na siya sa pagbabasa ay tinanong ito ng guro sa isang tanong  napakakomplikadong tanong para sa mga estudyante sa gulang niya. Sa walang pag-iimbot at matalinghagang paraan ay sinagot niya  ang guro ng, "Ang nais ipabatid ng tula ay, sa buhay di umano, may mga pagkakataong hindi mo pa nahahanap ang sarili mo, ang gustuhin mo. Upang mabatid mo ang mithiin ng iyong puso, kailangan mong lumabas sa kulungan  ng limitasyon mo, at subukang yumapak ng paa at subukan ang ibang larangan. Hindi ang larangang mas pumapaibabaw ka.". Ngumiti ang estudyante at inilapag ang libro sa malapit na mesa. Napalunok ang kanyang guro at natigilan ng bahagya. Napatitig ito sa dalawang masiyahing mata ni Igor na tila may nais siyang hanapin sa katauhan ng binata. Ninais niyang hukayin ang nasa kasuluksulukang bahagi ng alimpatakan ng estudyante. Nagising na lamang sa katutuhanan ang guro nang tumunong ang sinyales para sa ikalawang klase.


               Natapos ang araw ng payak at maluwalhating para kay Igor. Tila ang araw na namang lumipas ay para lamang dati, isang ordinaryo at mapayapang araw. Ngunit lingid sa kaalaman niya'y, binitin at sinindak niya ng bahagya ang kanyang guro. Sa ayos at pananalita ba naman ng binata, walang mag-aakalang sa kalooblooban biya ay may nakatagong kaalaman at karunungan nga namang maibubuga sa kabila ng maliit nitong pagkatao.


2 komento:

  1. May pinatatamaan ka ba? hehehe... Sa kabilang banda ang minsan huwag tayong humusga sa panlabas na kaanyuan ng tao... Ang lalim ng pamagat nito... Isa sa mga pundasyon ng pagsulat ang pinaghanguan mo nito.. Na siyang nagpapaimbot ng mensahe sa kwento....

    TumugonBurahin